Nung isang araw, naglatag ako ng isang status message sa aking Facebook account pagkatapos kong malaman ang isang nakakapanginig-lamang pangyayari sa isa kong kaibigan, na ginawang tsimay-tsimayan at utusan ng isang di hamak na mas nakababatang kasamahan sa trabaho na mas mababa pa ang sweldo sa kanya at nagtatrabaho lang bilang freelancer dahil estudyante pa lamang siya.



Ang pagkakaiba nila, etong kaibigan ko, simpleng tao, humble kumbaga. Hindi mahilig umentra sa mga eksena nang kuntodo English. ‘Yung isa, isang fashionista at sosyalera na bagamat Pinoy ay may dugong banyaga at kala mo mauubusan ng English sa mundo kapag hindi niya yun nagamit ng buong araw.


Eniwey, ang mensaheng iniwan ko ay payak lang, straight to the point kumbaga:
“Hindi porke magaling ka mag-English,, magaling ka na. O matalino ka na. O mas mataas ka na sa iba.”


Marami ang nag-react at sumang-ayon. Pero di man sabihin, alam ko nandoon pa rin ang katotohanan, na ilan sa Facebook friends ko ay kabilang sa deskripyon na sinasabi ko sa mensaheng iyon: Pinoy na mas gustong ipakita na marunong sila magsalita ng wikang Ingles kesa wikang Tagalog, at nilalagay sa pedestal ang mga tao na magaling mag-Ingles.


Nandoon na ‘ko sa practice makes perfect. Totoo ‘yon. Pero nakakatawa ang pagka-OA ng iba. ‘Yung tipong kapag kaharap mo, purong Tagalog, pero sa Facebook o Twitter kung makapag-Ingles ala Kris Aquino eh parang wala nang bukas.


Ano ba ang masama kung sabihin natin na “Kadiri, ang baboy!” kesa sa “Eeew…that’s so gross!” at “Yuckydeeduck-duck!”. O kaya eh, “Diyos ko” at “Susmaryosep”, kaysa sa “OMG!!!” at “My Gawd!”. O kaya eh “Ano ito?” at “Anong kaguluhan ito?” kesa sa “What the hell is going on?” o “WTH?”


Marami tayong magagaling na manunulat na Pinoy. Andiyan si Lualhati Bautista, Severino Reyes, si Bob Ong (Okey, payn. Alam ko hindi lahat sasang-ayon sa ‘kin sa huling nabanggit ko, pero…). Hindi nila kailangan gumamit ng Ingles para epektibong maiparating sa mga tao ang kanilang mensahe. Nagagawa nila ‘yun ng malaya at matagumpay na gamit lang ay Tagalog. Bakit tayong mga ordinaryong Pinoy hindi kayang gawin iyon, samantalang Tagalog din naman ang unang lenggwahe natin, at nasa Pilipinas tayo kung saan ang primyadong lenggwahe ng ordinaryong tao ay Tagalog?


Naniniwala ako doon, dahil kung English ang primary language natin, bakit kung magbabayad tayo sa jeep ang sinasabi natin eh “Bayad po.” At hindi rin naman tayo bumibili sa sari-sari o sa nagbebenta ng sigarilyo sa kanto na ang sinasabi natin eh, “Hi. Can I buy this and that?”. Ang sinasabi natin, “Pagbilhan po.” Kahit nga ang presidente natin na matatas sa pag-Ingles, kapag iniinterbyu, kahit Ingles pa ang tanong sa kanya, di ba Tagalog kadalasan ang sagot?


Dahil Pilipino tayo at nasa Pilipinas tayo.


Oo, aaminin ko na ako man eh kapag nagsusulat ng tula, journal entry o nang kahit ano sa blog na ito, madalas ang gamit ko na lenggwahe ay Ingles. Pero ‘yon ay dahil gusto ko ring kumonekta sa mga mambabasang banyaga  (iilan lang sila pero alam kong meron) ng anumang tungkol sa Pilipinas o ng mga saloobing Pinoy sa lenggwahe na kaya nilang maintindihan, hindi dahil gusto kong magpasikat o maki-ride sa uso.


Universal language ang English. Mainam na marunong tayo gumamit nito, at mas mainam pang lalo kung mahusay ang paggamit natin nito. Pero nangangahulugan ba na dapat ay kalimutan na nating gamitin ang sarili nating wika kahit sa kaswal na konbersasyon lang naman sa pang-araw araw, para lang ipakita na marunong tayo mag-Ingles ng dire-diretso? Hindi ba pwedeng bigyan ng pantay na respeto at tingin ang Tagalog at English?


Sabi nga ang pagiging Pinoy, hindi lang dapat sa salita nakikita, ngunit isip din at sa gawa. Paano mo masasabi na Filipino ka, kung sarili mo ngang lenggwahe ni hindi mo alam i-spell nang hindi ka nagiging jejemon, at di mo kayang gamitin nang hindi ka nahihiya o nang walang pag-aalinlangan?

Nakakalungkot lang isipin na marami sa atin, itinutumbas ang pagiging magaling magsalita sa Ingles sa pagiging matalino at pagiging angat sa iba. Kaya rin ‘yung taong magaling mag-ingles, gaya nung half-bred German na sinasabi ko, eh kung mangtrato ng kapwa niya Pinoy, parang basahan. Dahil tayo mismo, inaangat natin ang mga gayong tao ng mas mataas pa sa ‘tin. Baka ang di mo alam mas magaling ka pa sosyalerang kausap mo, at mas marami ka pang alam sa mundo. Dahil ang tunay na Pinoy, may angking kakayahan at talino na higit pa sa pagsasalita ng Ingles. 
In Uncategorized

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *